Sunday, 19 February 2012

Ilusyonadang Asyumera


Ilusyon lang ba o totoong kasama kita kanina?

Touchy akong tao. Gustung-gusto kong humahawak sa iba. 'Yong tipong pinipisil-pisil at dinudutdut-dutdot ang mga braso at tiyang malalambot dahil mataba. Nakakatuwa kaya. Nakakagigil. Lalo na kung sa'yo ko ginagawa. Sa ganitong paraan lang naman kita nilalandi.

Malandi ako. Totoo 'yon at di ko ipinagkakaila. Nilalandi mo rin naman ako eh--'yan ang gusto kong isipin at pakiramdam ko. Kaya nga nare-reinforce at patuloy ang panlalandi ko sa'yo.

Ayaw ko sanang bigyang-kahulugan ang mga kinikilos mo. Kaso sumasaya ako kapag iniisip kong may gusto ka rin sa akin. Na kaya ka ganoon kumilos, na kaya ka ganoon makitungo sa akin dahil gusto mo ako. Na kaya mo ako hinahayaang landiin ka kasi gusto mo naman. 

At sa aking palagay ay may sarili ka ring paraan ng panlalandi. Akala mo hindi ko pansin? Ang pasimpleng paghawak mo sa aking kamay para kunwari pigilan ako sa pagpisil ng tiyan mo? Ang pasimpleng paghawak mo sa aking kamay para tulungan akong huwag mabitawan ang laboratory specimen? Ang pasimpleng pagsambit ng mga banat o pick-up line? "Maganda", "takaw-tingin", at "panggatong"--ilan lang naman 'yan sa mga hindi ko malilimutang ginamit mong pambanat. Akala mo ba hindi ko alam? Kahit "sweet" ka sa iba pa nating kaibigan, alam kong iba ang pagiging "sweet" mo sa akin dahil MAS.

Sabihin mong mali ako at ititigil ko na ito. Pero hangga't wala kang sinasabi, hangga't pakiramdam ko patuloy ang pagpaparamdam mo, hindi ako titigil sa ilusyon kong ito.


021712

Mas tumindi pa ang nararamdaman ko para sa'yo dahil sa mga nangyari sa araw na ito. Kwentuhan kahit na abala at hirap sa paghahanap ng mga ugat. Landian kahit may talakayan sa klase. Paglalakad na nauwi sa food trip. Food trip na nauwi sa pagtambay sandali at kwentuhan. At paglalakad muli hanggang sa ihatid mo ako sa sakayan.

Hindi ko talaga malilimutan ang araw na ito. Ang mga sandaling tayo'y naglalakad. Hindi man magkahawak ang ating mga kamay, sapat nang kasama at katabi kita. Sapat nang maramdaman kong gusto mo akong makakwentuhan. Na kahit may mga pagkakataong dead air na dahil nauubusan na ng mapag-uusapan ay nariyan tayong nagngingitian na lamang. Sapat nang maramdaman kong nais mo akong sabayan sa paglalakad.  Sapat ng maramdaman kong nais mo pa akong makasama nang matagal-tagal. At napatunayan ko 'yan nang unti-unting bumagal ang ating paglalakad hanggang sa halos isang hakbang kada segundo na lamang ang pag-usad natin. Higit pang napagtibay ang pakiramdam kong ito nang walang anu-ano'y pumayag kang kumain nang ayain kita. Isang paraan na rin iyon upang kita'y higit pang makasama at lubusang makilala. Nais kong magpasalamat dahil naging bukas ka sa akin (SA WAKAS!) at nagkuwento tungkol sa nangyari sa iyo kahapon. Ilang beses din kitang pinilit at hindi ko inakalang mapapakwento ka nang tumambay na tayo habang kumakain. Nakakatuwa talaga! At mas natuwa pa ako nang pakiramdam ko ay ayaw mo pang umuwi at iwan ako. Sinamahan mo pa ako hanggang sa sakayan at hindi ka umalis hangga't hindi ako nakakasakay. Pakiramdam ko ay ayaw mong humiwalay sa akin nang mga pagkakataong iyon.

Salamat sa panahon. Salamat sa paghatid sa akin. Alam kong naabala ka pa dahil sa layo ng nilakad mo pabalik sa sakayan mo. Salamat sa pakiramdam na idinulot mo.

Sana nga lang ay hindi lamang pakiramdam ang lahat. Sana totoo na lang. O di kaya'y sana tama ako. Hindi ko alam kung paano ko ihihiwalay ang katotohanan sa ilusyon dahil una sa lahat hindi ko alam ang katotohanan, kung ano nga ba ang mayroon sa ating dalawa.

Hindi ko naman hangad na maging tayo. Alam kong imposible. Alam kong gusto kita. Pero di ko alam kung gusto mo rin ako. Ganoon pa man, gusto ko 'yong pakiramdam kapag kasama kita. Napapasaya mo ako. Sana napapasaya rin kita. Iniisip mo rin kaya ang nangyari kanina o kaya ako

Nag-iilusyon na naman ata ako.

No comments:

Post a Comment