Saturday, 25 February 2012

Anyayare?

Away. Bati. Away. Bati.

Ganyan ang drama natin. Katatapos lang maayos ang isang tampuhan, may susunod na naman na pag-aawayan. Kung tutuusin maliliit lamang na bagay ang dahilan ng ating di pagkakaunawaan. Lumalaki na lang ang gusot kapag nadamay-damay na ibang gusot hanggang sa maungkat na ang mga nakaraang gusot na dati naman ay naplantsa na.

Ang hirap kasi makasarili tayo. Sariling damdamin ang nangingibabaw. Kahit alam naman ang rason ay hindi pa rin natin iniintindi. Paulit-ulit lang. Kahit gaano pa kaganda ang eksplanasyon, lagi pa ring may pambara. Nakikinig nga pero lumalabas naman sa kabilang tenga. Nakikinig nga pero sarado naman ang isipan.

Nagsisisihan. Nagpapasahan. Nakakasawa rin kaya.

Nauunawaan naman kita. Alam ko kung ano ang nararamdaman mo. May mali ako. At ganoon ka rin. Alam mong magkaiba tayo ng gampanin sa buhay. Alam kong alam mo 'yan. Sabi mo pa nga nauunawaan mo. Anyare ngayon?

Ipinaliwanag ko lahat sa'yo ang mga problema ko, ang mga isyu ko sa buhay, ang mga gusto at ayaw ko. Umayon ka naman dito at ginusto mong magkaayos tayo. Sinabi mo nauunawaan mo. Sinabi mo susundin mo ang demands ko. Sinabi mo gagawin mo ang lahat para lang maging karapat-dapat.

Pero ano na? Anyare?

Ang dami mong hindi tinupad. Alam mong praktikal akong tao. Hindi lang puso ang pinaiiral ko--isip. Iniisip ko ang magiging kinabukasan ko dahil una sa lahat ayaw kong matulad sa pamilyang nakagisnan ko. Alam mong maraming nakapatong sa balikat ko. Akala ko makakatulong kita sa pagpasan. Anyare? Isa ka pa ngayon sa pasanin ko.

Sana umpisa pa lang sinabi mong si Darna ang gusto mo. Hindi kasi ako siya.

Tao lang ako. Napapagod.

At ano na ang mangyayari sa atin? Aayaw na tayo?

Akala ko dati sigurado na ako sa'yo. Hindi na pala. Sabi mo kasi...ayaw ko ng balikan. Nakaka-frustrate. Sorry ha? Ang demanding ko lang. Pero sinusuklian ko naman. Ibinigay ko naman ang lahat ng kaya kong ibigay. Alam kong kulang pa. Pero alam mo ang rason kung bakit.

Naisip ko lang, baka ibalik mo sa akin ang sinabi kong "Sana umpisa pa lang sinabi mong si Darna ang gusto mo." Uunahan na kita. Hindi naman si Superman o si Captain Barbel ang hanap ko. Sapat na ang pagiging responsable para sa akin--isang katangian ng lalaking gusto kong makita dahil hindi ko ito nakita sa taong sana ay haligi ng pamilya ko at gumagabay sa akin.

Sabi mo hindi ka niya katulad. Kita ko naman eh. Kaso...hindi sapat na hindi mo siya tinutularan.

Sinabi ko naman na marami akong demands Sinabi ko rin na ang kailangan ko ay 'yong tutupad noon. Tinanggap mo ang hamon. Pero anyare?

Ano na? Sumusuko ka na? Aayaw ka na? Sana hindi mo na lang ako pinaasa. Paano na? Ano ang mangyayari? Mauuwi na lang ba ang lahat sa wala? Masasayang lang ba ang lahat?

Anyayare?




No comments:

Post a Comment