[Sequel ng Ilusyonadang Asyumera (Part I)]
Lumipas ang isang taon. Ang bilis pero ang tagal.
Ambilis. Andaming pangyayari. Andami ng nangyari. Andaming nagbago.
Antagal. Antagal kong hinintay na makita kang muli, magparamdam kang muli--hindi man sa personal sapat na sa akin sa birtwal na mundo. Antagal kong walang balita sa'yo. Hanggang sulyap na lang, nag-aabang kung may nagbago ba sa page mo. Makailang ulit ko ring ginawa ito sa loob ng isang taon. Umasa na muli kang magparamdam, kahit hindi sa akin, kahit hindi dahil sa akin o kahit hindi para sa akin. Na isang araw mag-update ka. Kaso wala.
Buti na lang may kamukha ka rito sa lugar kung saan ako nagtatrabaho. Naaalala kita tuwing nakikita ko siya. Tanong sa sarili: Kumusta na kaya siya? Anyare na kaya? Bakit kaya hindi siya tumuloy sa PGH?
Andaming tanong. Wala namang mahanap na sagot.
May mga pagkakataong hindi na lang ako nagbubukas ng facebook. Baka kasi maalala kita at bisitahin ko ang page mo tapos ma-frustrate lang ako. Isang araw, nakita ko na lang iba na ang profile picture. Ganyan na pala itsura mo. Tumaba ka ng kaunti. Parang ako. Binisita ko ang page mo, nagbabaka sakaling may makuha pa akong karagdagang update. Nabasa ko nga ang palitan ng komento tungkol sa litrato mo. Ang dami nga eh. Tapos noon ko rin lang nalaman na noong Disyembre nang nakaraang taon ay nagpalit ka ng profile picture. Sabi ko sa sarili ko, "Sana nalaman ko ng mas maaga." Kaso...Eh ano?
Na-miss lang talaga kita. Malamang hindi mo ako nami-miss o naaalala man lang. Kahit pa.
Nag-aalangan ako. Nangangamba. Baka... Wala... Baka hindi mo lang ako pansinin. Pero kahit pa. Ilang dram ng lakas ng loob ang inipon ko para lang magpadala sa'yo ng mensahe. Umaasa na sumagot ka kahit "Oks lang." Malaman kong ayos ka, ayos na rin ako.
Wala akong ibang magawa kung hindi ang balikan ang nakaraan, ang palitan natin ng mensahe at mga litrato. Sana hindi ko binura ang mga mensahe mong "paramdam" at banat. Ibang klaseng samahan at pagkakaibigan meron tayo noon...na nawala na ngayon.
Nagsisisi ako na hindi kita kinulit noon. Na hindi ako nag-effort na kamustahin ka. Sana hindi ako natakot na baka dedmahin mo ako. Sana naisip ko noon na ayos lang madedma, maiparating lang na naalala kita. Sana hindi ako nahiya. Sana hindi ko inisip na baka bigyan mo ng ibang kahulugan. Sana.
Nami-miss na talaga kita. Natutuwa akong makitang "buhay" ka ulit. Hindi ka man magparamdam sa akin, ayos lang. Pero mas ayos kung sumagot ka sa mensahe ko. :D Kahit ano pa, maramdaman lang kita muli...makita ka lang muli, kaibigan.