Friday, 4 July 2014

Ilusyonadang Asyumera (Part III): Makalipas ang Dalawang Taon

[Sequel ng Ilusyonadang Asyumera (Part II) at Ilusyonadang Asyumera (Part I)]

Matagal ring naglaro sa aking haraya
na maging in a relationship ang status nating dalawa.
Sa wakas!

Ayos na sana.
'Yon nga lang, hindi tayo.
Nauna pa akong nagkaroon ng karelasyon bago pa kita nakilala.
Pero kahit pa ganoon ang status ko noon,
naisip ko pa ring posibleng magka-tayo. 
Hanggang sa nagdaan ang mga araw, linggo, buwan at taon,
nawala rin ang lahat ng ilusyon ko tungkol sa atin.
Nawala ka na sa eksena.
Masayang masaya na ako sa piling niya
at sa saya ko ay hindi na kita kailanman naiisip pa.

Syempre, joke 'yon.
Naiisip pa rin naman kita.
Paminsan-minsan.
Naalala kita kapag may nababanggit na salitang magpapaalala sa'yo.
Naaalala kita bilang ka-Isko, kaibigan at kaklase.
At hanggang doon na lang 'yon...hindi katulad noon.

Halos dalawang taon na ang nakalipas.
Akala ko hindi na kita muling iisipin pa (as in sasadyaing isipin).
Akala ko wala ka na sa aking gunita.
Akala ko limot ko na ang nakaraan natin.
Akala ko wala na ang dating pagtingin.

Subalit isang umaga,
paggising ko ay mayroong nagbago.
Isang panaginip ang nagtama sa lahat ng maling akala.
Panaginip na nagpaalala sa akin kung anong mayroon tayo noon.
IPanaginip na nagpanumbalik ng damdamin ko para sa'yo.

Ganoon katindi ang mga pangyayari sa panaginip ko
para baguhin ang lahat
at ibalik ang nakalipas.

Sa aking panaginip tayo ay magkasama.
Masayang naglalandian.
Masayang naghaharutan.
Di nagtagal ay nagbago ang aura sa paligid natin.
Tinanong kita,
"Bakit siya?". 
Tumawa ka lang.

"Ako na lang,"
sabi ko na para bang ako ang karakter ni Bea Alonzo sa One More Chance.
"Huwag na lang siya."

Pakiramdam ko ay akin ka.
Sobrang malapit tayo sa isa't isa.
Naglalandian pa rin kahit pa bumigat ang pakiramdam ko
at tila may namumuong tensyon.

"Hindi pwede 'yon," sinabi mo habang nakatawa.
Ang sakit.
Ang saya.
Nakakalito.
Nasaktan akong malamang wala akong puwang sa'yo.
Tulad dati.
Walang tayo.
Hindi pwedeng maging tayo.
Dahil sa kanya.
Sa kabila nito ako'y nasisiyahan.
Natutuwa akong makitang ang aliwalas ng iyong mukha.
Para bang ang saya-saya mo.

Nagising ako sa katotohanan.
Kailangan ko na palang bumangon at maghanda.
Kung hindi ay maleleyt ako.

Pagdating sa trabaho, online agad.
Hinanap kita sa facebook.
Nais kong masilayan ang iyong mukha.
Nakita kita.
Kasama mo siya.
Masaya kayo.
Kita ko ang mga pileges sa paligid ng iyong mga matang nakangiti,
marka ng tunay na kasiyahan
habang ikaw ay kanyang hinahalikan sa pisngi.

Paano kaya kung ako siya?
Ganyan din kaya ang masisilayan sa'yong mukha?
Paano kung tayo na lang?
Pwede kaya?
Pwede ba?
Papayag ka ba kung wala siya at kung wala rin ang aking siya?

Ganito na lang ba?
Mananatili ba akong ilusyonada?
Asyumera?

Tiyak akong hindi masasagot ang mga tanong ko.
Kung sana lang ay nababasa mo ang mga ito.
Malalaman mo kung bakit ako nananatiling
ILUSYONADANG ASYUMERA.


Wednesday, 22 January 2014

Ilusyonadang Asyumera (Part II): Kahit pa...Basta Makita Lang Muli

[Sequel ng Ilusyonadang Asyumera (Part I)]

Lumipas ang isang taon. Ang bilis pero ang tagal.

Ambilis. Andaming pangyayari. Andami ng nangyari. Andaming nagbago.


Antagal. Antagal kong hinintay na makita kang muli, magparamdam kang muli--hindi man sa personal sapat na sa akin sa birtwal na mundo. Antagal kong walang balita sa'yo. Hanggang sulyap na lang, nag-aabang kung may nagbago ba sa page mo. Makailang ulit ko ring ginawa ito sa loob ng isang taon. Umasa na muli kang magparamdam, kahit hindi sa akin, kahit hindi dahil sa akin o kahit hindi para sa akin. Na isang araw mag-update ka. Kaso wala.


Buti na lang may kamukha ka rito sa lugar kung saan ako nagtatrabaho. Naaalala kita tuwing nakikita ko siya. Tanong sa sarili: Kumusta na kaya siya? Anyare na kaya? Bakit kaya hindi siya tumuloy sa PGH?

Andaming tanong. Wala namang mahanap na sagot.

May mga pagkakataong hindi na lang ako nagbubukas ng facebook. Baka kasi maalala kita at bisitahin ko ang page mo tapos ma-frustrate lang ako. Isang araw, nakita ko na lang iba na ang profile picture. Ganyan na pala itsura mo. Tumaba ka ng kaunti. Parang ako. Binisita ko ang page mo, nagbabaka sakaling may makuha pa akong karagdagang update. Nabasa ko nga ang palitan ng komento tungkol sa litrato mo. Ang dami nga eh. Tapos noon ko rin lang nalaman na noong Disyembre nang nakaraang taon ay nagpalit ka ng profile picture. Sabi ko sa sarili ko, "Sana nalaman ko ng mas maaga." Kaso...Eh ano?


Na-miss lang talaga kita. Malamang hindi mo ako nami-miss o naaalala man lang. Kahit pa.


Nag-aalangan ako. Nangangamba. Baka... Wala... Baka hindi mo lang ako pansinin. Pero kahit pa. Ilang dram ng lakas ng loob ang inipon ko para lang magpadala sa'yo ng mensahe. Umaasa na sumagot ka kahit "Oks lang." Malaman kong ayos ka, ayos na rin ako.


Wala akong ibang magawa kung hindi ang balikan ang nakaraan, ang palitan natin ng mensahe at mga litrato. Sana hindi ko binura ang mga mensahe mong "paramdam" at banat. Ibang klaseng samahan at pagkakaibigan meron tayo noon...na nawala na ngayon.


Nagsisisi ako na hindi kita kinulit noon. Na hindi ako nag-effort na kamustahin ka. Sana hindi ako natakot na baka dedmahin mo ako. Sana naisip ko noon na ayos lang madedma, maiparating lang na naalala kita. Sana hindi ako nahiya. Sana hindi ko inisip na baka bigyan mo ng ibang kahulugan. Sana.


Nami-miss na talaga kita. Natutuwa akong makitang  "buhay" ka ulit. Hindi ka man magparamdam sa akin, ayos lang. Pero mas ayos kung sumagot ka sa mensahe ko. :D Kahit ano pa, maramdaman lang kita muli...makita ka lang muli, kaibigan.