Nakamamangha ang mga hakbang na isinasagawa ng DepEd upang pataasin ang antas ng kalidad ng edukasyon sa bansa. Sa kasalukuyan ay mas mataas na ang hinihingi sa mga aplikante sa pagkaguro. May minimum na puntos na kailangang maabot ang mga aplikante. Kung dati ay 55 ang minimum, ngayon ay 70 na. Napakalaki ng 15 na puntos na iyon at alam kong mahirap itong habulin.
Hindi man ako aplikante, alam ko ang hirap. Naroon akong nakasaksi sa hirap ng mga aplikante noong nakaraang taon. Tiyak kong walang pinagkaiba o di kaya ay kaunti lamang, kung mayroon man.
Sa kabila nito nakababahala rin na sa taas at dami ng requirements at nagagawa ng ibang aplikante na dayain ang kanilang mga dokumento. Isang halimbawang karaniwang makikita sa dokumento ng mga aplikante ay pinekeng sertipiko bilang katibayan na sila ay may sapat na training. Lubang nakababahala. Habang may mga naghihirap para maabot ang hinihingi ng DepEd, may mga nandaraya naman. Matamaan na ang matamaan. Isang maikling tula para sa matatamaan.
Ang bato na sa langit nagmula
sadyang masakit kung sa'yo tumama
saan ka man tamaan tiyak kong ito'y mamumula
ikubli mo man, balik sa'yo ay karma.
Kahit anong pagpapataas ng standards ng DepEd ay mawawalan din ng saysay. Mismong mga implementer/administrator na tumatao sa selection board ay walang sapat na ginagawa upang iberipika ang mga dokumento. Alam kong mahirap at matrabaho kung iisa-isahin ang mga aplikante. Pero SANA may gawin pa rin silang preventive measures upang sa ganoon ay maiwasan at mabawasan, kung hindi man mawala, ang ganitong kabulastugan. Hindi ko alam kung sila ay nagbubulag-bulagan lang.
Paano pa aayos ang sistema ng edukasyon? Paano pa mahahasa ang mga kabataan? Paano magiging mabubuting indibidwal ang mga estudyante? Paano...kung ang mga matatanggap na aplikante sa pagkaguro ay mismong nandaraya? Nasaan ang kredibilidad? Naturingang teachers--ayaw sa cheaters, galit sa cheating--pero sila mismo cheaters. Kung papansinin ay parehong titik ang bumubuo sa salitang teacher at cheater. Ang saklap.
Hindi ko alam kung ganito na noon pa ang sistema. Subalit ngayong ako na mismo ang saksi, hindi ko magawang magkibit-balikat. Nasusuka nga ako. Walang magbabago sa sistema kung magpapatuloy ito. Ang masaklap, baka mas lumala pa at patuloy na bumagsak ang kalidad ng edukasyon na matatamasa ng mga kabataan. Mawawalan din ng saysay ang K-12 Program kung ganito ang iiral na sistema.
Hindi sa nilalahat ko ang mga guro at aplikante. Subalit ano ang katiyakang hindi karamihan ganoon? May iilan akong kakilala na nagsisikap na mag-comply sa requirements pero may mga nababalitaan rin akong nandaraya. Ano ang kasiguraduhan na ang mga matatanggap at susunod na guro ay nagtataglay ng magagandang katangian gaya ng CREDIBILITY at COMPETENCE? Nakakaawa ang mga nagsisikap at tunay na may maibubuga kung ang matatanggap ay 'yong mga mandaraya.
Ano ang katiyakang hindi kakalat o dadami ang bukbok sa sistema?

*image from https://www.flickr.com/photos/juliusbelen/
Kahit ano pang ganda at tibay ng istrukturang ipapatong kung ang pundasyon ay bulok, guguho at guguho ito.

No comments:
Post a Comment